Iba’t ibang grupo, nagkilos protesta kasabay ng International Human Rights Day

Daan-daang aktibista ang nagmartsa mula Liwasang Bonifacio patungong Mendiola Peace Arch sa Manila nitong Linggo, Disyembtre 10, 2023 kasabay ng ika-75 International Human Rights Day. Inihayag ng mga grupo ang pagkabahala sa mga umano’y patayan at paglabag sa karapatang pantao, at ipinangakong ipagtatanggol ang karapatan ng bawat isa laban sa mapang-aping pamahalaan. Ayon sa Grupong Karapatan, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay bigong resolbahin ang puno’t dulo ng armadong pakikibaka sa bansa. Sa halip, ang ipinapatupad nilang ‘militarist’ approach ay nagresulta pa ng libo-libong kaso ng human rights violations. Nakapagtala sila ng 87 extrajudicial killings sa ilalim ng counter-insurgency program ng pamahalaan. Bukod dito, mayroong 12 kaso ng enforced disappearance, 316 insidente ng illegal at arbitrary arrest, 22,391 cases ng pambobomba, 39,769 incidents ng indiscriminate firing, 24,670 cases ng forced evacuation, 552 cases ng forced surrender, at 1,609,496 insidente ng pagbabanta, harassment, at intimidation, at red-tagging. Nanawagan din ang coalition sa International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang War on Drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang nagpapatuloy na peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng rebeldeng grupo. Dapat anila mapanagot si Duterte sa 30,000 namatay sa pagpapatupad niya ng giyera kontra droga, taliwas sa inilabas na datos ng pamahalaan na nasa higit 6,000 lamang, habang ang Human Rights Watch ay nakapagtala ng halos 12,000 namatay.